Biyernes, Pebrero 14, 2014

Ang Aking Paboritong Kwentong Pambata :))


Marami na akong nabasang ibat-ibang uri ng literatura, at isa sa gusto kong genre ay ang mga kwentong pambata. Ang aking pinaka-nagustuhang kwentong pambata ay ang likha ni Virgilio Almario, ang kwento ng sundalong patpat.

Kuwento ng Sundalong Patpat

ni Rio Alma 

"Saan ka pupunta, o Sundalong Patpat," tanong ng sampalok. "Saan ka dadalhin ng kabayong payat?" "Hahanapin ko ang nawawalang ulan," sagot ng Sundalong Patpat habang inaayos ang papel na sombrero. "Pero hindi hinahanap ang ulan," nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. "Dumarating ito kung kailan gusto." "Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang ayaw dumalaw ng ulan," sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kanyang kabayong payat.

"Saan ka pupunta, o Sundalong Patpat," tanong ng manok. "Saan ka dadalhin ng kabayong payat?" "Hahanapin ko ang nakalimot na ulan," sagot ng Sundalong Patpat habang nagpupunas ng pawis na tumatagaktak. "Pero hindi hinahanap ang ulan," nagtatakang nagkamot ng tuktok ang sampalok. "Dumarating ito kung kailan tinatawagan at dinadasalan." "Kung gayon, aalamin ko kung bakit matagal nang hindi makarinig ang ulan," sagot ng Sundalong Patpat at pinatakbo ang kanyang kabayong payat.

"Saan ka pupunta, o Sundalong Patpat," tanong ng bundok. "Saan ka dadalhin ng kabayong payat?" "Hinahanap ko ang nawawalang ulan," sagot ng Sundalong Patpat at iwinasiwas ang espadang patpat. "Pero hindi nagtatago ang ulan," paliwanag ng nanginginig na dagat. "Ibinilanggo ni Pugita sa kaniyang mutyang perlas." "Kung gayon, papatayin ko si Pugita," sabi ng matapang na Sundalong Patpat. "Palalayain ko ang ulan."

At sinugod ng Sundalong Patpat sakay ng kaniyang kabayong payat ang yungib ni Pugita. Nagulat si Pugita sa biglang pagpasok ng Sundalong Patpat na iwinawasiwas ang espadang patpat. Nagulat si Pugita sa liksi at lakas ng maliit na Sundalong Patpat. Nagulat si Pugita sa talim at talas ng kumikislap na espadang patpat. 

Mabilis at isa-isang tinigpas ng Sundalong Patpat ang maraming mahahabang galamay ng mabagal at matabang dambuhala. Isa, dalawa, tatlo. Apat. Lima. Anim. Pito. Walo! Huli na nang magbuga ng maitim na tinta si Pugita. Nasungkit na ng Sundalong Patpat ang mutyang perlas na nakapalawit sa kuwintas ng nalumpong reyna ng dagat!

Hawak ang perlas, dali-daling sumibad patungong pampang ang Sundalong Patpat sakay ng mabilis na kabayong payat. Pagkaahon ay agad niyang ipinukol ang mutyang perlas paitaas, mataas, mataas na mataas, hanggang umabot sa tiyan ng langit at sumabog ang masaganang ulan. 

Nagbunyi ang buong daigdig. Sumupling muli't naglaro ang damo't dahon. Nagbihis ng luntian ang mga bukid at bundok. Muling umawit ang mga ibon at ilog...

"Saan ka pupunta, o Sundalong Patpat," tanong ng sampalok. "Saan ka naman dadalhin ng kabayong payat?" "Hahanapin ko ang gusi ng ginto sa puno ng bahaghari," sagot ng makisig na Sundalong Patpat at pinatakbo ang makisig na kabayong payat.



"Si Nanay Talaga oh! Araw-araw na Lang" ni jrmrb (isang maikling kwentong pambata)

          


   Kriing..! Kriing..! Kriing..! "Anak! Anak! ANAK! GISING NA, HOY! GISING NA! May alarm clock ka na nga hindi ka pa rin nagigising sa tamang oras, tuwing umaga na lang", sigaw ni nanay habang nagtatangal pa ako ng muta at panis na laway.

     Haysss! ito na naman ako naliligo ng nakapikit dahil napuyat nanaman kakakompyuter; facebook, twitter, youtube, tss. Inaantok pa talaga ako, pero wala eh kailangang pumasok sa eskwela. 

  "Bihis na! Almusal na! Bilis na! puyat kasi ng puyat imbes na magbasa-basa ng libro at magrebyu hindi magawa kakakompyuter!", ingay talaga ni nanay araw-araw na lang.

   "Nay pasok na po ako", tumango lang si nanay at sinabing "Mag-aral ng mabuti ha, ingat.". Tsss paulit-ulit naman si nanay lagi na lang, araw-araw na lang.

    Kriiiiiiiiingggggg........ Umpisa na ng klase, andyan na si teacher, teka sino nga ba to? Ah! si Teacher Hekasi nga pala. "Ok class we have a quiz today, SURPRISE!". 
   
   Aaahh, kaasar. Lagi na lang ganito, naulit na naman. Hindi ako nag-aral :( hindi nag-basa :( hindi rin nakinig kay teacher kahapon kasi antok dahil puyat:((. 
    
    Tama nga si nanay, araw-araw niya sinasabi sa akin na magbasa, magrebyu at kung ano-ano pa, tama pala siya.
  Araw-araw palang                          tama... si Nanay .

Virgilio Almario: Talambuhay ng isang Pambansang Alagad ng Sining


      Si Virgilio Almario o mas kilala sa kanyang sagisag panulat na, RIO ALMA, ay isang manunulat, kritiko ng mga literatura, editor, cultural manager, at guro. Siya ay kasalukuyang Pambansang Alagad ng Sining sa Pilipinas.

       Si Rio Alma, anak nina Ricardo Almario at Feliciana Senadren, ay 69 yrs. old, ipinanganak noong March 9, 1944 at lumaki sa San Miguel, Bulacan. Asawa sya ni Emelina B. Soriano at may tatlong anak na sina Asa Victoria, Ani Rosa at Agno Virgilio.
       Nagtapos si Rio ng elementarya noong 1955 sa Camias Elementary School, at sekundarya naman sa San miguel High School noong 1959. Nagtapos naman ng kolehiyo sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1963 na may Bachelor Degree sa Political Science. Kinalaunan, sya ay naging kandidato para sa M.A para sa Edukasyon sa University of the East. Nakamit naman nya ang kanyang M.A sa Filipino noong 1974 sa Unibersidad ng Pilipinas.

       Nagsimula ang buhay niya bilang makata noong kumuha siya ng ilang yunit sa kursong edukasyon sa University of the East noong 1963. Katulong sina Rogelio G. Mangahas at Lamberto E. Antonio, itinatag nila ang ikalawang matagumpay na kilusan sa Panulaang Filipino. Noong 1967, kaniyang inilathala ang una niyang koleksiyon ng tula, Ang Makinasyon at ilang Tula na sinundan ng sampu pang koleksiyon na kabilang sa Mga Piling Tula1968-1985 na nasa dalawang wika. Lahat ng kaniyang mga antolohiyang tula ay kinolekta ng U.P. Press noong 1990 at inilathala bilang dalawang bolyum na pinamagatang "Una Kong Milenyum."
       Ang ilan sa kaniyang mga nagawang kritisismo ay inilathala sa Dawn,pahayagan ng University of East na na lumalabas linggo-linggo. Natigil siya sa pagtuturo noong idineklara ng pangulong Ferdinand E. Marcos ang "Batas Militar.". Siya ay ikinasal kay Emelina B. Soriano sa hapon ng araw ng bagong taon noong 1973. Nagsaliksik siya ng mga proyekto na nauukol sa kasaysayan ng panitikan at mga tradisyon ng Kasaysayan ng panitikan sa Filipinas habang siya ay pinagbawalan ng militar. Dahil dito, nakagawa siya ng mga kritika tulad ng Taludtod at Talinghaga(1965;1991), Balagtasismo Versus Modernismo (1984), Kung Sino ang Kumatha Kina Bagongbanta, Ossorio, Herrera, atbp. (1992), at Panitikan ng Rebolusyon (1896) (1993)
      Ang kaniyang mga kritikal na gawa ay umiikot sa mahahalagang pag-aaral ukol sa isyu ng pambansang wika. Ang ilan dito ay natipon sa aklat na "Filipino ng mga Filipino"(1993) at"Tradisyon at Wikang Filipino"(1998). Siya ang umakda ng "Patnubay sa Masinop na Pagsulat" (1981) at ang nag-edit ng diksiyonaryo sa Filipino habang siya ay direktor ng U.P. Sentro ng Wika noong 1996.
      Upang lalong mapalawak ang karanasan sa panitikan at makapagbigay ng pinakamahusay na halimbawa ng panitikan sa mga mambabasa at mag-aaral na Filipino, pumasok siya sa pagsasalin at pag-eedit. Naisalin niya ang pinakamahusay na kontemporaneong tula mula sa iba't ibang bansa.

             Siya ay nagkamit ng Best Translation of Rizal as novels (Noli Me Tangere at El Filibusterismo) mula kay Sen. Blas Ople at ng Manila Critics Circle. Inayos din niya ang mga koleksiyon nina Jose Corazon de Jesus, Lope K. Santos, Alfrredo Navarro Salanga, Pedro Dandan at ilang aklat sa Ekolohiya at panitikang pambata. Nakatanggap din siya ng parangal mula sa iba't ibang prestihiyosong institusyon tulad ng Palanca Awards, Makata ng Taon ng Komisyon ng Wikang Filipino, Ten Outstanding Young Men Award for literature (TOYM), at SEAWrite Award mula sa Bangkok, Thailand.